Elijah Canlas, wagi sa Harlem International Film Festival bilang Best Actor


Nagwagi bilang Best Actor sa katatapos lang na Harlem International Film Festival 2021 ang "Paano ang Pangako?" star na si Elijah Canlas para sa kanyang makatindig balahibong pagganap sa independent film na "Kalel, 15".

Ang kwento ng Kalel, 15 ay umiikot sa buhay ni Kalel na sa edad na 15 ay nagpositibo sa Human Immunodeficiency Virus o HIV.

Maliban dito, nagwagi na ring Best Actor ang 20-year old actor sa ilang prestigious award giving bodies tulad ng FAMAS, Gawad Urian at Asian Film Festival.

Unang napanood si Canlas sa Cinemalaya Film Festival entry na "Sundalong Kanin" noong 2014. Mas nakilala ng publiko si Canlas sa BL series na "Gameboys" katambal ang isa pang award winning actor na si Kokoy de Santos.

Ang teleseryeng "Paano ang Pangako?" ng Cignal Entertainment at The IdeaFirst Company ang naging unang TV project ni Elijah na umere sa TV5 noong November 23, 2020 at natapos noong April 3, 2021. Napanood din si Elijah sa American series na "Almost Paradise" katuwang ang ABS-CBN Entertainment.

Kasalukuyang napapanood ang Kalel, 15 sa Cignal Play App.

— Ulat ni R. Caluag, Kapatid Insider

Post a Comment

Previous Post Next Post

Contact Form