ISANG TAON NA: ANO NGA BA ANG MGA NAGBAGO SA NOONTIME LANDSCAPE MATAPOS ANG PAG-ALIS NG TVJ SA TAPE INC.?


Isang taon na ang nakalipas, at sa loob ng isang taon ay marami at malaki ang nag-iba matapos mag-desisyon na kumalas ang iconic comedic trio nina dating Senate President Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon mula sa Television and Production Exponents Inc. (TAPE).

Ating balikan ang mga nangyari sa nakalipas na taon:

JANUARY 2023
*Unang lumabas sa website na Bilyonaryo ang balitang gusto ni Television and Production Exponents Inc. (TAPE) founder and Chairman Romeo Jalosjos Sr. na sipain ang comedic trio na sina Tito, Vic at Joey mula sa programang sinimulan nila i-host noong 1979.

FEBRUARY 2023
*Nagkaroon ng general assembly meeting ang pamunuan ng TAPE Inc. ng mga Jalosjos at ang hosts at staff ng Eat Bulaga! upang ianunsyo ni Jalosjos Sr. na ite-take over ng kanilang pamilya ang daily operations ng TAPE Inc. at Eat Bulaga!, kasabay ng diumano'y voluntary resignation ng dati nitong Presidente na si Antonio P. Tuviera na malapit sa TVJ trio.

MARCH 2023:
*Ito ang buwan kung saan unti-unti nang lumabas sa publiko ang problema at napipintong "pagbabago" sa Eat Bulaga!

Dito ipinaalam ng magkakapatid na Jon, Bullet at Soraya sa pamunuan ng GMA Network na sila na ang mamamalakad sa TAPE Inc. 

Dahil sa mga nangyaring ito, tila naging sunod-sunod ang "cryptic" posts nina Tito Sotto at Joey de Leon sa kanilang social media accounts, at dumating pa sa puntong bigla nilang kinanta ang iconic theme song ng Eat Bulaga! sa isang episode ng programa.

APRIL 2023
*Nagpaunlak ng isang interview si Dapitan City Mayor at TAPE Inc. Chief Financial Officer (CFO) Bullet Jalosjos na sinasabing hindi raw totoo ang mga balitang plano nilang sipain sina Tito, Vic at Joey sa Eat Bulaga! at sinabing walang aalising mga hosts ng programa; sinabi rin ni Jalosjos na totoong may financial problems na kinakaharap ang programa.

Ngunit sa isang tell-all interview na ginawa ni dating Senate President Tito Sotto sa GMA News, News5 at Philippine Entertainment Portal (PEP), tinawag nitong "sinungaling" at pinabulaanan ang sinabi ni Mayor Jalosjos.

Sinabi rin ni Sotto ang totoong plano ng pamilya Jalosjos sa programa tulad ng pagsipa kina Ryzza Mae Dizon, Ryan Agoncillo, Maine Mendoza at Paolo Ballesteros sa programa at ang pagbabawas sa exposure ng TVJ sa programa. 

MAY 2023:
*Ginulat nina Tito, Vic at Joey ang publiko noong May 31, 2023 matapos nilang i-anunsyo ang kanilang pagkalas sa TAPE Inc.

Napanood ito sa livestreaming ng Eat Bulaga! social media accounts matapos ipag-utos ni TAPE Inc. Chairman Romeo Jalosjos Sr. na "playback" o replay episode ang ieere ng programa sa naturang araw.

Kasabay nito ay nag-resign din ang mga co-hosts ng programa na sina Ryzza Mae Dizon, Ryan Agoncillo, Maine Mendoza, Paolo Ballesteros, Jose Manalo, Allan K. at Wally Bayola kasama ang ilang staff ng programa; sumunod din ang bagong talent ng programa na si Carren Eistrup.

JUNE 2023:
*Nagbalik-live telecast ang Eat Bulaga! ng TAPE Inc. kung saan sina Paolo Contis, Buboy Villar, Betong Sumaya, Cassy at Mavy Legaspi, Alexa Miro at ang girl group na XOXO ang naging hosts ng programa. Hindi ito lubusang tinanggap ng netizens at nakatikim ng sandamakmak na bashing; naapektuhan din ang ratings ng programa dahil sa kalagitnaan ng June ay tinatalo na sila ng ABS-CBN noontime show na "It's Showtime".

*Bilang sagot, ipinasok ng TAPE Inc. si dating Manila City Mayor Isko Moreno bilang isa sa mga bago at kalaunan ay naging main host ng sariling version ng Eat Bulaga! ng mga Jalosjos. 

*Ito rin ang buwan kung saan kinumpirma ng TVJ na pormal na silang lilipat sa TV5, at opisyal na naselyuhan ang kanilang paglipat ng pumirma ng joint venture deal ang MediaQuest Holdings at bagong tatag na TVJ Productions kasabay ng kanilang press conference noong June 22, 2023.

*Noon namang June 20, 2023 ay kinumpirma ng ABS-CBN na lilipat sa sister channel ng GMA Network na "GTV" ang It's Showtime matapos ang halos isang taon nilang pag-ere sa TV5 at opisyal itong naselyuhan noong June 28, 2023 matapos magkaroon ng contract signing ang ABS-CBN at GMA executives.

JULY 2023 
*Noong July 1, nag-premiere ang TVJ sa TV5 na may working title noon na "E.A.T..." sabay sa first broadcast ng ABS-CBN noontime na It's Showtime sa GTV.

Parehong nag-trending ang mga nasabing programa sa Twitter at tinanggap ng netizens; samantalang nilangaw at halos amagin ang July 1 episode ng Eat Bulaga! ng TAPE Inc.

*Sabay namang ipinagdiwang ng TAPE Inc. at TVJ camps ang 44th anniversary ng Eat Bulaga! kung saan ini-launch ng TAPE Inc. ang theme song ng sarili nilang version ng Eat Bulaga! samantalang ang TVJ camp ay nagkaroon ng "National Dabarkads Day".

*Kasabay nito ay nagsampa ng kaso sa Marikina Regional Trial Court (RTC) ang kampo ng TVJ Productions laban sa TAPE Inc. upang pagbawalan ang Jalosjos camp na gamitin ang title ng programang "Eat Bulaga!" kasama ng mga segment, jingle at iba pang materials na ginamit sa programa; nag-file din ang TVJ trio ng kaso sa Intellectual Property Office (IPO) upang ipakansela ang naunang registration ng TAPE Inc. para sa title na "Eat Bulaga!" dahil sa "registration with bad faith". 

AUGUST 2023
*Sa sariling version ng "Eat Bulaga!" ng TAPE Inc., inanunsyo ng kanilang mga host na sina Isko Moreno at Paolo Contis na ni-renew ng Intellectual Property Office (IPO) ang renewal ng Eat Bulaga! trademark ng Jalosjos-led production firm na kalaunan ay kinumpirma ng TAPE Inc.

Sa panayam naman sa kampo ng TVJ Productions, sinabi nila na di sila nangangamba dahil para lamang daw sa "merchandising" category ang na-renew at hindi ang hinahabol nilang "entertainment services" category.

SEPTEMBER 2023:
*Nagbaba ng 12-day suspension order ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) laban sa ABS-CBN noontime show na It's Showtime kasunod ng diumano'y mga reklamo ng viewers tungkol sa "icing" sceme ng mga host nito na sina Vice Ganda at real-life partner nito na si Ion Perez.

Sinubukan i-apela ng ABS-CBN ang naturang order ngunit noong September 28, kinumpirma ng ABS-CBN at GMA Network na dineny ng MTRCB ang kanilang motion for reconsideration.

Nanindigan noon si MTRCB Chairperson Lala Sotto na walang personal na dahilan ang desisyon ng MTRCB na suspendihin ang programa.

Si Sotto ay anak ni dating Senate President Tito Sotto, na isa sa mga hosts at producer ng E.A.T, ang rival noontime show ng It's Showtime. 

OCTOBER 2023:
*October 13, 2023 nang pansamantalang magpaalam sa ere ang It's Showtime matapos mag-desisyon ang ABS-CBN na wag nang iapela sa Office of the President ang naunang desisyon ng MTRCB.

Dahil dito, October 14 ay inilunsad ng ABS-CBN ang temporary noontime show nila na "It's Your Lucky Day" nina Luis Manzano, Robi Domingo, Melai Cantiveros at Shaina Magdayao na tumagal hanggang October 27.

October 28, 2023, matapos ang 12-araw ay bumalik sa ere ang It's Showtime.

DECEMBER 2023:
*Matapos ang mahigit isang buwang paghupa ng tensyon, lalo uling tumaas ang patutsadahan sa pagitan ng mga loyal supporters ng TVJ at TAPE Inc. matapos maglabas ng desisyon ang Intellectual Property Office (IPO) na nagkakansela sa trademark registration ng TAPE Inc. para sa titulong "Eat Bulaga!".

Sa kanilang press conference sa TV5 Media Center, nagpasalamat si TVJ Productions Chairman, President and CEO and co-founder at dating Senate President Tito Sotto sa IPO sa kanilang naging desisyon at sinabing nanaig din ang katotohanan.

At bagama't E.A.T pa rin ang ginagamit na title ay nagamit na rin kahit papaano ng TVJ ang pangalang "E.A.T. Bulaga!" sa kanilang theme song.

Nanindigan naman ang kampo ng mga Jalosjos na hindi pa tapos ang laban matapos nilang maghain ng motion for reconsideration sa IPO.

At patuloy na ginamit ang pangalang "Eat Bulaga!" dahil para daw sa kanila, sila pa rin ang kinikilala ng batas na may-ari ng naturang title. 

JANUARY 2024:
*Tila nagkaroon ng katuldukan ang issue matapos paboran ng Marikina Regional Trial Court (RTC) Branch 273 ang TVJ Productions at ipag-utos sa Television and Production Exponents Inc. (TAPE) at GMA Network na bawal na nitong gamitin ang pangalang "Eat Bulaga!", kasama ang mga segment, theme song at mga lumang episodes ng programa.

Dahil dito, noong January 6, 2024 ay nagamit na ng TVJ ang pangalang "EAT Bulaga!" sa TV5; samantalang napilitan naman ang TAPE Inc. na magpalit agad ng pangalan at ginawa itong "Tahanang Pinakamasaya".

Pero nanindigan ang TAPE Inc. na iaapela nila sa Court of Appeals ang desisyon at sinabing tila may mali sa naging desisyon ng Marikina RTC. 

MARCH 2024:
*Noong March 2, 2024 ay napansin ng ilang netizens na tila farewell episode ang nangyari sa episode ng Tahanang Pinakamasaya sa araw na iyon dahil sa tila pahiwatig ni Isko Moreno sa kanyang closing spiels.

Ilang araw naging tahimik ang Television and Production Exponents Inc. (TAPE) at GMA Network tungkol sa estado ng programa at noong March 7, 2024 matapos ang ilang araw na replay episodes ay kinumpirma ng TAPE Inc. at GMA-7 na tuluyan nang nagpaalam sa ere ang "Tahanang Pinakamasaya".

Nagpasalamat ang TAPE Inc. sa mga taga-suporta nito samantalang nagpasalamat naman ang GMA-7 sa 29 years ng partnership nila sa TAPE Inc.

Ayon sa ilang ulat, mababang ratings at pagbababa rin ng advertising rate ang dahilan kaya nagdesisyon ang TAPE Inc. na tanggalin na sa ere ang programa. 

Dahil dito, nagkaroon ng rigodon ang noontime at afternoon block ng GMA Network kung saan ang movie block na "Lunchtime Movie Hits" ang umokupa sa 12:00NN slot nito.

Noon namang March 20, 2024, gumawa ng panibagong kasaysayan ang ABS-CBN Corporation at GMA Network matapos gawin ang contract signing para sa pormal na pagsasa-ere ng Kapamilya noontime variety show na "It's Showtime" sa Kapuso Network.

APRIL 2024:
*April 6, 2024 ay naganap na nga ang makasaysayang araw sa noontime television nang umere ang It's Showtime sa GMA-7 sabay sa GTV, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Kapuso Stream at iba pang Kapamilya at Kapuso platforms; samantalang bilang sagot ay nagsagawa ng "National Barangay Day" ang EAT Bulaga! ng TV5.

1 Comments

Previous Post Next Post

Contact Form