JANINE AT ZANJOE GIGIL NA GIGIL SA BAGONG KABANATA NG “DIRTY LINEN”

Pamatay na trailer at official poster, trending!


Labasan na ng mga baho! Doble-doble na ang mga makapigil-hiningang mga eksena at pasabog na rebelasyon sa pagsisimula ng bagong kabanata ng “Dirty Linen” na tiyak na magpapataas ng dugo ng mga manonood pagkatapos magtrending sa social media ang trailer at official poster para sa season two.

Ipinasilip sa trailer kung paano tuluyang mabibilog ni Mila (Janine Gutierrez) ang ulo ni Aidan (Zanjoe Marudo) at ang magiging epekto ng kanilang pag-iibigan sa kani-kanilang mga pamilya. 

Una, matitikman ni Mila ang paghasik ng lagim ng mga Fiero dahil gagawin nitong bihag si Lala (Jennica Garcia), ang kasabwat ni Mila sa pagpapabagsak sa makapangyarihang pamilya. Dahil dito, nanganganib na malantad ang totoong katauhan ni Mila nang komprontahin ito ni Aidan sa rebelasyong si Mila pala ang anak ni Olivia (Dolly de Leon) - ang yaya ng mga Fiero na binaril sa kanilang mansyon ng isang hindi pa ring nakikilalang tao. 


Madidiskaril din ang mga Fiero dahil unti-unting guguho ang kanilang reputasyon at mga negosyo, pati na rin ang relasyon nila sa isa’t isa. Posible kasing mawasak ang samahan ni Aidan at ang kapatid niyang si Chiara (Francine Diaz) dahil sisisihin nito ang kuya niya sa lahat ng kanilang mga problema. Mababaliw naman sa selos si Carlos (John Arcilla) dahil pakiramdam niyang nanlalalaki na naman ang misis niyang si Leona (Janice de Belen). 


Dapat din abangan ng viewers ang mga susunod na planong paghihiganti ni Mila, kasama ang mga kasabwat niyang sina Lala, Abe (Joel Torre), at Max (Christian Bables), dahil itotodo na nila ang paniningil ng hustisya sa pamilya Fiero at ipaparamdam na nila ang bagsik ng kanilang galit.

 
Noong Marso, nakapagtala ang “Dirty Linen” ng pinagsama-samang higit isang bilyong online views sa YouTube, Facebook, TikTok, Instagram, Twitter, iWantTFC, at Kapamilya Online Live kung saan inulan ang serye ng papuri para sa kapanapanabik na kwento nito.

Huwag palampasin ang “Dirty Linen” gabi-gabi ng 9:30 PM sa TV5!

Source: ABS-CBN PR

Post a Comment

Previous Post Next Post

Contact Form