TELERADYO MAGPAPAALAM NA SA JUNE 30

Inanunsyo ng ABS-CBN sa pamamagitan ng press statement na ang kanilang Filipino news channel na "TeleRadyo" ay titigil na sa pagsasahimpapawid sa June 30, araw ng Biyernes. 



Sa nasabing press statement, ang pagkalugi ng TeleRadyo simula noong 2020 ang nagtulak sa ABS-CBN para itigil na ang pag-sustain at pag-operate ng TeleRadyo. Ito rin ang nagtulak sa kanila upang mapagdesisyunan na itigil na ang pagsasa-ere ng nasabing news channel ngayong Hunyo.


Sa kabila ng nakakalungkot na balita ay may kaakibat din itong magandang balita lalong lalo na sa news department ng Kapamilya dahil sa pagpasok nila sa joint-venture kasama ang Prime Media Holdings Inc.

Sa nasabing agreement, ang ABS-CBN ay magkakaroon ng minority stake sa nasabing joint-venture at habang ang Prime Media naman sa majority stake. 


Una nang napabalita mula sa artikulo ng Bilyonaryo noong nakaraang taon ang napapabalitang "merge" sa pagitan ng ANC at TeleRadyo upang makapagpatuloy na makapaghatid ng balita sa wikang Pilipino saan mang panig ng mundo. Kami mula sa Kapatid Insider ay naghihintay ng kumpirmasyon mula sa ABS-CBN ukol sa balitang ito.


Ang TeleRadyo ay ang Tagalog news channel ng ABS-CBN na nagsimula noong 2007 bilang DZMM TeleRadyo. Ang nasabing channel ay nag-eere ng mga programa mula sa DZMM Radyo Patrol 630 sa pamamagitan ng live video feed mula sa kanilang radio booth. 

Noong May 5, 2020 sa bisa ng memorandum order mula sa NTC, tumigil sa pagsasahimpapawid ang DZMM at DZMM TeleRadyo na kalaunan ay bumalik din sa ere at tinawag na itong TeleRadyo.

Matapos ang mahigit 16 taon na pamamayagpag sa telebisyon, mamamaalam na ang TeleRadyo at wala pa ring kasiguraduhan kung ano ang mangyayari sa mga programa nila bago matapos ang Hunyo.

Source(s): ABS-CBN PR / Wikipedia

Post a Comment

Previous Post Next Post

Contact Form