IT'S SHOWTIME SA TV5, HANGGANG JUNE 30 NA LANG; LIPAT-BAHAY SA GTV SA JULY 1

ANG IMPOSIBLENG NANGYARI, NGAYO'Y POSIBLE.

Ikinagulat ng mga Kapamilya, Solid Showtimers at Kapauso fans nitong Martes, June 20 ang post ng ABS-CBN noontime show na "It's Showtime" sa mga social media pages nito, na sinabayan din ng isang post mula sa GTV, ang secondary free-to-air channel ng GMA Network. 


Wala pang isang oras, pormal na naglabas ng pahayag ang ABS-CBN Integrated Corporate Communications kung saan kanilang kinumpirma na mapapanood na sa GTV simula July 1 ang longest-running Kapamilya noontime show. 

Nagpasalamat ang ABS-CBN kay TV5 Chairman Manny V. Pangilinan sa suportang ibinibigay nila sa Kapamilya Network at pagpapa-ere nito sa It's Showtime, ngunit malungkot nilang inanunsyo na magtatapos na ang pag-ere ng Kapamilya noontime show sa TV5 sa June 30. 

Dagdag ng ABS-CBN, tinanggihan nila ang offer ng TV5 na ilipat sila sa 4:30PM timeslot ang It's Showtime dahil sa malalim na samahan ng mga hosts, programa, network at bawat Madlang Pipol. 

Maliban sa GTV, patuloy na mapapanood ang It's Showtime tuwing 12NN sa sariling platforms ng ABS-CBN Corporation tulad ng Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live at A2Z; gayundin sa iWant TFC at TFC. 

Nagpasalamat naman ang ABS-CBN Corporation sa mga supporters ng It's Showtime na nagpakita ng kanilang suporta sa programa na umeere na ng halos 14 na taon. 

Inanunsyo ito ng Kapamilya Network sa araw ng media conference ng TV5 para sa upcoming noontime show ng comedic triumvirate nina dating Senador Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon at ng mga legit Dabarkads na nawalan ng tahanan matapos kumalas sa TAPE Inc. ng pamilya Jalosjos. 

Naglabas din ng pahayag ang Mediaquest Holdings Inc., ang parent company ng TV5 na kung saan kanila daw nire-respeto ang desisyon ng ABS-CBN na wag nang i-renew ang kasunduan ng dalawang kompanya para sa pag-ere ng Kapamilya noontime show sa Kapatid Network. 

Matapos inanunsyo ng paglipat ng It's Showtime sa GTV, naglabas din ng pahayag ng Chairman at CEO ng GMA Network na si Atty. Felipe Gozon na masaya siya na makapagbigay ng bagong tahanan ang Kapamilya Noontime Show. Dagdag niya, magkakaroon ng bigating contract signing sa lalong madaling panahon.


Nitong July 6, 2022, unang inanunsyo sa Frontline Pilipinas ng TV5 na mapapanood ang It's Showtime, ka-back-to-back ang defunct noontime show na "Lunch Out Loud" o "Tropang LOL" simula Hulyo 2022.

Sinundan ito ng mismong anunsyo mula sa Kapamilya Network.

Tuluyang umere ang It's Showtime sa TV5 noong July 16, 2022; wala pang isang taon ay ibinalik muli sa regular timeslot na 12:00 NN ang It's Showtime matapos magpaalam ang Tropang LOL kapalit ng nagbabalik ng Barangay Hall On-Air na "Face 2 Face."

Narito ang aming opisyal na pahayag tungkol sa paglisan ng It's Showtime sa Kapatid Network.


Post a Comment

Previous Post Next Post

Contact Form