Paul George, iniligtas uli ang Clippers vs. Suns


Ginawa ni Paul George ang lahat ng kanyang makakaya upang bigyan ng lakas ang bisitang Los Angeles Clippers sa kanilang 116-102 panalo sa Game Five ng Western Conference Finals ng 2021 NBA Playoffs kahapon sa Phoenix Suns Arena. Lamang pa rin sa seryeng best of seven ang Suns, 3-2, at may bagong pagkakataon silang wakasan ang serye sa Game Six ngayong Huwebes sa pagdayo sa Staples Center.

Walang nakapigil kay George sa kanyang pagsabog ng 41 puntos at 13 rebound, kasama ang 20 sa third quarter. Kumuha siya ng tulong kay Reggie Jackson na may 23 puntos at Marcus Morris Sr. na may 22 puntos. 

Tumalon agad ang Los Angeles sa 20-5 na lamang sa likod nina Morris at Jackson subalit matiyaga ang Suns hanggang nakuha ang lamang sa third quarter, 62-61. Iyan na ang huling hirit ng Phoenix at mula roon ay nagtrabaho ng todo si George at mga kakampi at naitayo ang kanilang pinakamalaking lamang, 112-96, at apat na minuto ang nalalabi sa fourth quarter. 

Nanguna sa Phoenix si Devin Booker na may 31 puntos. Nag-ambag ng 22 puntos si Chris Paul at sinundan ni Cameron Johnson na may 14 puntos. Hindi bago ang Clippers sa milagro ngayong taon matapos bumangon mula sa 0-2 sa mga naunang serye kontra sa Dallas Mavericks at numero unong Utah Jazz. Nagawa rin nilang magtagumpay ng apat na sunod-sunod upang wakasan ang serye sa Jazz, 4-2.

Sinamahan ni sentro Ivica Zubac (tuhod) si All-Star Kawhi Leonard at Serge Ibaka sa hanay ng mga pilay na Clippers. Humugot si Coach Tyronn Lue ng sorpresa sa beteranong sentrong si DeMarcus Cousins na gumawa ng 15 puntos sa 11 minuto lang upang takpan ang pagliban ni Zubac.

Sa East Finals, balak na lalong idiin ng paboritong Milwaukee Bucks ang lamang sa serye kontra Atlanta Hawks sa Game 4 ngayong araw simula 8:30 ng umaga sa State Farm Arena. Umapoy si Khris Middleton para sa 38 puntos upang ibigay sa Bucks ang 113-102 na tagumpay sa Game Three at 2-1 lamang sa serye. (Anthony E. Servinio, BULGAR Sports)

Post a Comment

Previous Post Next Post

Contact Form