“Niña Niño”, patuloy ang pag-ariba sa ratings


Nagpapatuloy ang pag-ariba ng teleseryeng pinagbibidahan nina Maja Salvador at Noel Comia Jr. na “Niña Niño”.

Nitong Lunes, Agosto 23 nakapagtala ng 5.0% ang nasabing teleserye, hindi ito nawawala sa Top 15 programs base sa datos ng AGB Nielsen Phils NUTAM.

Umangat sa top 13 ang Niña Niño at nasa top 19 naman ang Sing Galing na may 3.4%.

Mapapanood ang Niña Niño, Lunes, Martes at Huwebes 7:15PM sa TV5.

At dahil napanatili ng programa ang magandang rating nito ay kasalukuyang nasa second season na sila na ang orihinal na plano ay isang season lamang.

Sabi nga ng isang taga-production, “Magsisinungaling naman kami kung hindi namin gustong tumagal ang show, pero siyempre nu’ng simula sabi namin kahit isang season lang kasi hindi mo pa alam kung ano ang mangyayari, di ba? 

“Ang maganda masarap katrabaho sina Maja, Noel, Empoy halos lahat kasi magaan. Makikita mo na masaya lahat sa ginagawa nila hindi mo nakitaan ng may hindi okay o uncomfortable sa isa’t isa,” sabi pa sa amin.

Umeere ang serye tuwing Lunes, Martes at Huwebes dahil PBA naman ang mapapanood kapag araw ng Miyerkoles at Biyernes.

At para sa second season nito ay sa Tarlac magaganap ang lock-in taping. Ipinagmamalaki ng produksyon na walang nagkasakit sa kanila dahil sumusunod sila sa health protocols, as in walang alisan sa venue at higit sa lahat lagi silang may swab test.

Makakasama rin sa second season ng programa sina Ahron Villena, Gio Alvarez at Miles Ocampo.


Post a Comment

Previous Post Next Post

Contact Form