ABS-CBN/TV5 AT CIGNAL/SKY DEAL, SELYADO NA; MAS MARAMING ABS-CBN SHOWS SA TV5, INAASAHAN

 


Na-selyohan na ng ABS-CBN Corporation at MediaQuest Holdings ang matagal nang usap-usapan na joint venture nang dalawang media giant.

Kahapon, August 10, pormal na nagkaroon ng pirmahan sa pagitan nina TV5 Chairman Manny V. Pangilinan at ABS-CBN Chairman Mark Lopez.

Ayon sa naturang deal, kukunin ni ABS-CBN ang halos 6.5 million primary common shares sa TV5 sa halagang P2.16 billion, katumbas ito ng 34.99% ng shares sa Kapatid Network.

Mapapaliit naman nito ang shares ng MediaQuest sa 64.79%, samantalang ang natitira ay mananatili sa mga controlling shareholder ng network.

Sa parte naman ng TV5, nabili ng Cignal ang 38.88% shares sa Sky Cable, ang cable company ng Lopez, Inc.

Pwedeng itaas ng ABS-CBN ang shares nila sa TV5 nang di lalagpas sa 49.92%, samantalang pwedeng itaas ng Cignal ang shares nila sa Sky Cable nang hanggang 61%.

Masaya sa naging partnership deal nito sina Pangilinan, Lopez at ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak.

Umaasa ang tatlo sa mas magandang resulta sa naturang deal.

Dahil dito, mas maraming Kapamilya entertainment, news at public service programs ang inaasahang mapapanood na sa Kapatid Network.

- Rob Caluag, Kapatid Insider

Post a Comment

Previous Post Next Post

Contact Form